Imungkahi ni Bohol 3rd District Representative Kristine Alexie Tutor, ang pag-demolish o paggiba sa kontrobersyal na Captain’s Peak Resort na itinayo sa gitna ng Chocolate Hills na kinikilala bilang UNESCO Geopark.
Giit ni Tutor, matapos gibain ay dapat mai-restore o maibalik ang lugar na gagastusan ng mga mga may-ari ng Captain’s Peak Resort.
Ipinunto na Tutor na sa simula pa lang ay hindi dapat naitayo ang naturang resort sa lugar na protektado ng Presidential Proclamation.
Suportado rin ni Tutor, ang mga hakbang laban dito ni Bohol Province Board Member Atty. Jamie Aumentado Villamor, na syang ring chairperson ng Provincial Board Committee on Environment and Natural Resources Protection.
Kasabay nito ay pinapakilos din ni Tutor si Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, para patigilin ang operasyon ng Captain’s Peak Resort.
Ayon kay Tutor, kung hindi uubra ang administratibong proseso ay pwedeng iakyat sa korte ang isyu upang mapanagot ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno na nagpahintulot sa konstruksyon at operasyon ng resort sa nabanggit na protektadong lugar.