Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na 22 sa close contacts ng ikaapat na kaso ng Omicron variant sa bansa ang natunton na nila.
Kabilang dito ang mister ng pasyente na nagpositibo sa COVID-19.
Inaantabayanan naman ng DOH ang resulta ng swab test sa iba pang close contacts.
Samantala, inihayag ng DOH na inaasahan na nila ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ngayong holiday season.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito ay bunga ng galaw ng mga tao ngayong holiday season at sa hindi pagsunod sa minimum public health standards ng publiko.
Patuloy naman aniyang mino-monitor ng DOH ang sitwasyon at umapela ito sa Local Government Units na tiyaking naipapatupad ang safety protocols sa kanilang nasasakupan.
Hindi naman masabi ngayon ng DOH kung may kinalaman sa Omicron variant ang muling pagtaas ng kaso ng infection sa bansa.