Idaraos ngayong araw ang ika-4 na 2+2 Ministerial Consultations.
Dito, muling pagtitibayin ng Pilipinas at Amerika ang relasyon ng dalawang bansa sa gitna ng mga hamong kinahaharap partikular na sa Indo Pacific region.
Partikular na haharap sa pagpupulong sina Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr., Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo sa panig ng Piliipinas.
Habang sina United States Defense Sec. Lloyd Austin III at US Secretary of State Antony Blinken naman ang haharap sa panig ng Estados Unidos.
Nakatakdang talakayin dito ang mga usaping may kinalaman sa mga banta sa rehiyon at kung paano ito matutugunan.
Pag-uusapan din ang pinakahuling sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS), partikular na ang mga mapangahas at mapaghamong hakbang ng China sa katubigang sakop ng Pilipinas.
Matatandaang sa isinagawang ikatlong 2+2 Ministerial Consultations sa Washington D.C. noong isang taon, pinagtibay ang committment ng Pilipinas at Amerika na i-modernize ang kanilang alyansa.