22 NEGOSYONG ISABELEÑO, BENEPISYARYO NG P77-MILYONG SETUP INNOVATION FUND

Cauayan City — Patuloy na isinusulong ang inobasyon at pag-unlad ng mga maliliit na negosyo sa rehiyon matapos maggawad ang Department of Science and Technology Region 02 (DOST R2) ng mahigit ₱77 milyon sa 51 micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) 4.0 ngayong Hulyo 22.

Sa mga napiling benepisyaryo, Isabela ang may pinakamaraming bilang na 22 MSMEs, na kinabibilangan ng mga negosyo sa pagkain, furniture, agrikultura, at ICT.

Mahalaga ang naging papel ng probinsya sa aktibong paghubog ng teknolohikal at makabagong negosyo sa Cagayan Valley.

Isinagawa ang awarding ceremony sa Casa Angela Hotel and Convention Center sa Tuguegarao City, kung saan ipinakilala ang Batch “Pangruna” bilang unang grupo sa ilalim ng bagong yugto ng SETUP.

Ayon kay Dr. Virginia G. Bilgera, DOST Regional Director, ang SETUP 4.0 ay hindi lamang nagbibigay ng pondo kundi pati na rin ng makabagong kagamitan, pagsasanay, konsultasyon, at tulong sa pagpapahusay ng produkto.

Nananatiling kaakibat ng mga MSME sa pagsulong ng lokal na ekonomiya ang DOST. Sa pamamagitan ng SETUP 4.0, patuloy ang suporta para sa mga negosyong handang makipagsabayan sa makabago at competitive market at hindi lamang sa Rehiyon 2, kundi sa buong bansa.

Facebook Comments