Dalawampu’t dalawang senador ang lumagda sa resolusyon para sa pansamantalang pagsuspindi sa pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program o PTMP na dating kilala bilang PUV Modernization Program.
Sa mga senador, tanging si Senator Risa Hontiveros na lang ang hindi pa pumupirma sa Senate Resolution 1096 na nananawagan sa pamahalaan na suspindihin muna ang pagpapatupad ng programa hangga’t hindi naisasaayos ang mga problema.
Matatandaang sa pagdinig ng Senate hearing ng Committee on Public Services noong July 23, pinuna ni Senador Raffy Tulfo at ng iba pang senador ang hindi planado at minadaling pagpapatupad ng programa.
Si Senate President Francis Chiz Escudero naman mismo ang nagrekomenda ng pagbuo ng resolusyon para sa “Sense of the Senate” upang pansamantalang suspindihin ang modernization program.
Nakasaad sa resolusyon na malinaw ang pangangailangan na repasuhin at muling i-assess ang epekto ng programa upang matugunan ang pangamba ng ilang mga driver at operator na apektado nito.