Nasa dalawampu’t tatlong (23) mga opisyal ng barangay ang tuluyan nang kinasuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa prosecutors’ office ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng maanomalyang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) cash assistance.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, 12 criminal cases ang isinampa ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa 23 barangay officials habang apat na karagdagan pang kaso ang ihahain sa susunod na mga araw.
Samantala, sumasailalim na sa case build-up ang aabot sa 110 barangay officials na inireklamo ng katiwalian sa distribusyon ng SAP.
Karamihan sa mga sangkot ay mga punong barangay, barangay kagawads, barangay treasurers, barangay secretaries, barangay employees, purok leaders, at maging ang social workers.
Lahat ng barangay officials na nahaharap ng reklamong administratibo ay iisyuhan pa rin ng ‘show cause orders’ ng DILG para imbestigahan at posibleng pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman.