24/7 processing ng tax exemptions para sa mga donasyon sa Odette victims, iniutos ng DOF

Ipinag-utos na ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III ang mabilis at round-the-clock na pagproseso ng mga aplikasyon para sa tax at duty exemptions ng mga donasyon sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.

Tugon ito ni Dominguez sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang relief at rehabilitation efforts sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.

Inatasan rin ni Dominguez ang mga opisyal at tauhan ng DOF – Revenue Office (RO) na magkaroon ng iba’t ibang shift sa loob ng 24 oras buong araw para mas mapabilis ang Tax Exemption Indorsements (TEIs).


Habang pinabibilis din ng kalihim ang paglalabas ng importations ng donated relief consignments na inaasahang darating sa Pilipinas mula sa iba’t ibang mga bansa at international organizations.

Maliban dito, inaprubahan din ni Dominguez ang hiling ng Revenue Operations Group (ROG) ng DOF na ipagbigay alam sa Office of the President at sa publiko ang mga patakaran at requirements sa paglalabas ng TEIs sa ilalim ng Section 121 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Facebook Comments