Cauayan City, Isabela- Nagpositibo sa sakit na African Swine Fever ang mga alagang baboy sa 24 barangay sa Lungsod ng Cauayan.
Ayon kay City Mayor Bernard Dy, bagama’t 24 barangay lang ang apektado ay kanya ng ikinokonsidera na ang lungsod ay apektado na rin ng nasabing sakit ng baboy.
Aniya, pansamantalang ipinasara na ang slaughther house na nagsisilbing katayan ng mga baboy na ibinibenta sa pampublikong palengke.
Inihayag din ng alkalde na ang mga barangay na apektado ay kinabibilangan ng Minante 1, Minante 2, Marabulig 1, Marabulig 2, Pinoma, Nagrumbuan, Nungnungan 1, Nungnungan 2, Sillawit, Alinam, Faustino, San Francisco, San Antonio, San Isidro, Amobocan, Naganacan, District 1, Sta. Luciana, Buena Suerte, Villa Concepcion, Manaoag, Gappal, San Fermin at Baringin Sur.
Una nang kinumpirma ng opisyal na may mga alagang baboy na ang nagkakasakit at nauuwi sa kanilang pagkamatay.
Giit ng alkalde, apektado na rin ang mga commercial farm dahil sa ASF na malaking epekto sa posibleng pagbaba ng demand ng karne ng baboy lalo pa’t papalapit ang kapaskuhan na kalimitang sentro ng handaan ang nasabing baboy.
Nananawagan naman ito sa publiko ng kooperasyon upang ipagbigay-alam kung may nakikitang nagkakatay ng baboy sa hindi tamang lugar at proseso para mapanagot sa batas.