Gamu, Isabela – Mabibiyayaan ng suporta ang dalawamput apat na estudyante mula sa bayan ng Gamu at Ilagan sa Piso Ko Project o Piso Ko Para sa Kinabukasan Mo Project na mula sa Philippine Army 1st Light Armor Company.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Amy Captain Ernan Capulong ng 1st Light Armor Company nagsimula pa noong 2015 ang nasabing proyekto kung saan ang piso ay iniipon mula sa bulsa o sahod ng lahat ng nasa 1st Light Armor Company.
Aniya ibinibigay ito sa mga mahirap ngunit may kakayahang mag-aral na mga estudyante dito sa lalawigan ng Isabela sa pamamagitan ng mga gamit sa eskwelahan at libreng pagkain sa mga napiling estudyante ng elementarya.
Paliwanag pa ni Captain Capulong na sa taong 2017 ay pinalawak na ito sa pamamagitan ng isang scholarship program para naman sa mga estudyante ng high school para sa kanilang pamasahe.
May grupo umano ang 1st Light Amor Company na mismong tumututok sa nasabing programa sa pamamagitan ng pagbisita sa mga paaralan, mga bahay at counselling sa mga magulang ng mga estudyante.
Iginiit pa ni Capulong na may koordinasyon umano sa mga opisyal ng mga paaralan para makita kung nagagamit o hindi ang nasabing programa.
Hindi naman tinitingnan dito ang grado ng mga kwalipikado kundi ang mga estudyante na interisadong makapag-aral sa kabila ng kahirapan sa buhay.