Upang masiguro ang pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa Dagupan City, aktibong mino-monitor ng Pamahalaang Lungsod ang pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura na may kaugnayan sa flood control.
Kamakailan, personal na nagtungo si Mayor Belen T. Fernandez sa iba’t ibang lugar sa lungsod upang tingnan ang takbo ng 24 flood mitigation projects na kasalukuyang isinasagawa.
Sa kanyang pag-iikot, sinimulan ang inspeksyon sa mga barangay sa Bonuan upang masuri kung ang mga proyekto ay naipapatupad nang tama at naaayon sa itinakdang plano at pamantayan.
Kabilang sa mga sinuri ang proyektong pagpapagawa ng kalsada at kanal sa Sta. Maria Street, Barangay Bonuan Boquig, na pinondohan ng humigit-kumulang ₱13 milyon. May habang 420 metro ang proyekto at ayon sa ulat ng City Engineering’s Office, malapit na itong matapos at nasa huling yugto na ng konstruksyon.
Tinungo rin ang Sitio China sa Barangay Bonuan Binloc, isa sa mga lugar na matagal nang apektado ng pagbaha. Patuloy doon ang mga gawain sa kalsada at drainage upang mapabuti ang daloy ng tubig at maiwasan ang pag-ipon ng baha tuwing masama ang panahon.
Mariing binigyang-diin na hindi na dapat magtayo ng kalsada nang walang kasamang maayos na drainage system, bilang bahagi ng mas sistematikong solusyon sa pagbaha sa lungsod.
Bilang dagdag sa kanyang inspeksyon, binisita rin ang bagong tayong skate park, na kasalukuyang sumasailalim sa masusing pagsusuri ng City Engineering’s Office upang matiyak ang kaligtasan ng mga gagamit nito, lalo na sa inaasahang pagbubukas nito sa darating na Bangus Festival.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ang regular na pagbisita at pagsusuri sa mga proyekto ay bahagi ng kanilang paninindigan na tiyakin ang kalidad, kaligtasan, at pakinabang ng bawat proyektong pinondohan ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga Dagupeño.










