24 na bagong milyonaryo, naitala ng PCSO kahit may pandemya noong nakaraang taon

Nakapagtala ng 24 na milyonaryong lotto bettors ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kahit pa nasa kasagsagan ng pandemic ang bansa noong nakaraang taon.

Sa report ni PCSO General Manager Royima Garma, umabot sa mahigit P400 milyon ang naibigay sa mga bagong milyonaryo na tumama sa Ultra Lotto, Megal Lotto at Super Lotto.

Ito ay sa kabila ng mababang benta ng PCSO mula sa mga mananaya dahil sa magkakasunod na kalamidad at pandemya.


Umabot lamang sa P18.63 billion ang kabuuang kinita ng PCSO noong 2020 kung saan mas mababa ito kumpara sa kinita noong 2019.

Ayon kay Garma, ang pagsasara ng maraming lotto outlet at pagbaba ng mga mananaya sa buong bansa ang dahilan ng pagliit ng benta ng PCSO noong 2020.

Marami pa sa Visayas at Mindanao ang hindi nagbubukas ng mga lotto outlet dahil sa pangambang mahawaan ng COVID-19.

Ngunit sa kabila ng pagbaba ng kita ng PCSO, nagawa pa rin nitong suportahan ang mga charity activities tulad ng medical assistance sa mga mahihirap na pasyente at pagbibigay ng tulong sa National Bureau of Immigration (NBI), Philippine National Police (PNP), mga lokal na pamahalaan, Malasakit Center at mga relief distribution.

Paliwanag pa ni Garma, pinag-aaralan na rin na maglaan ng pondo para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 na ibibigay sa National Government na siyang mangangasiwa sa pamamahagi sa publiko.

Facebook Comments