Naharang ng mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang 24 na mga colorum na sasakyan na sakay ang Unauthorized Persons Outside Residence (UPOR) mula sa mga lugar na nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay PNP-HPG Director Police Brigadier General Alexander Tagum ang pagkakaharang sa mga colorum na sasakyan ay resulta ng dalawang araw nilang anti-colorum operation.
13 sa mga sasakyan ay naharang noong April 4 papuntang Bicol Region mula sa Metro Manila.
Habang 11 naman noong April 5 na mga commuter van sakay ang mga pasahero papunta sa iba’t ibang destinasyon.
Ayon pa kay Tagum, ginawa nila ang operation na ito matapos maging viral ang video noong April 3 araw ng Sabado na may isang truck na puno ng tao sa bahagi ng Maharlika Highway, del Gallego, Camarines Sur.
Una nito ay lumabas din ang terminong “COVID-19 smuggling” ng mga tao mula sa mga lugar na nasa ECQ patungo sa mga probinsya na mas maluwag ang quarantine restrictions at hindi sumusunod sa health protocols.