24 na dating PNP Chief, iniimbestigahan na ng PNP kasunod ng akusasyong isa sa kanila ang tumanggap ng suhol para tulungang makatakas ng bansa si Alice Guo

Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang 24 na dating hepe ng PNP kasunod ng alegasyong isa sa kanila ang sinuhulan para tulungang makatakas ng bansa si Alice Guo.

Sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee para sa 2025 proposed budget ng PNP, sinabi ni PNP Chief General Rommel Marbil na wala pa silang natatanggap na report mula kay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Senior Vice President Raul Villanueva.

Aniya, susulat sila kay Villanueva para hilinging pangalanan ang ex-PNP Chief na umano’y usap-usapan ding bahagi ng payola ni Guo.


“May nababanggit po na dating PNP chief na sumusuporta sa POGO, batid niyo na po ba kung sino ang dating PNP chief na dating sumusuporta po sa POGO?” sabi ni Senator Robin Padilla.

“Wala pa po kaming report coming from General Raul Villanueva, doon sa sinabi niya but we are investigating 24 of our former chief PNP kung involved po sila. And we’re not happy with what he said since he is under oath, he has to tell us kasi it affects the whole organization and remember, it’s not the whole organization,” sagot ni Marbil.

Matatandaang sa pagdinig ng Senado ukol sa POGO noong Martes, nabanggit ni Villanueva na usap-usapan sa intelligence community na isang dating PNP Chief ang tumulong kay Guo na makatakas.

Pero nilinaw din ng opisyal na bine-verify pa nila ang nasabing impormasyon.

Facebook Comments