Hinahanap na ng lokal na pamahalaan ng Bontoc, Mountain Province at Department of Health ang dalawamput apat (24) pang nakasalamuha ng labing dalawang (12) katao na nagpositibo sa UK variant sa kanilang lugar.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Bontoc, Province Mayor Franklin Odsey na mula sa 597 na first hanggang 3rd generation na mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa UK variant, 573 rito ang isinailalim na sa COVID-19 testing habang may 24 pang backlog.
Ang mga ito ay pinaghahanap na habang mahigpit naman na binabantayan sa mga isolation facility ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa isinagawang mass testing.
Sinabi ni Odsey na sa ngayon ay magaling na ang 12 nagpositibo sa UK variant sa kanilang lugar habang unti-unti na rin bumababa ang kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan.
Naging malaking tulong aniya rito ang mass testing at ipinatupad na Enhanced Community Quarantine sa mga barangay ng Bontoc Ili, Caluttit, Poblacion, Samoki at Tocucan kung saan muli itong pinalawig hanggang Feb. 07.
Sa ngayon ay nasa 486 ang kaso ng COVID-19 sa Bontoc, 246 rito ang active cases, 240 ang magaling na habang tatlo ang nasawi.