24 na senador, nagkasundong isapubliko ang mga dokumento at buong budget process ng Kongreso

Nagkaisa ang mga senador na lagdaan unanimously ang Senate Concurrent Resolution no. 4 na layong palakasin ang proseso ng national budget sa pamamagitan ng pag-adopt at pagpapatupad ng transparency at accountability measures.

Sa ilalim ng concurrent resolution, i-institutionalize ang pagkakaroon ng transparency at accountability sa proseso ng budget upang matiyak ang pagkakaroon ng public access sa mga impormasyon at para sa malayang pakikilahok ng publiko sa deliberasyon partikular ng 2026 National Budget.

Sa paraang ito ay inaasahang ang bawat piso ay mapoprotektahan, magagastos ng wasto, at nakalinya sa tunay na mga prayoridad ng bansa.

Binibigyang mandato ng concurrent resolution na i-upload ang lahat ng budget-related documents ng Senado at Kamara magmula sa mga form na budget proposal ng mga ahensya, public hearings, bicameral conference, at hanggang sa pinal na General Appropriations Bill bago maisumite sa pangulo.

Sinabi ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na ito ang hudyat ng “golden age of transparency and accountability” sabay giit na hindi siya papayag na magkaroon ng anumang insertion o pagsisingit sa budget.

Siniguro rin ni Gatchalian na magiging mahigpit sila pagdating sa mga hirit na confidential funds ng mga ahensya ng gobyerno.

Facebook Comments