Nagpadala na ng dagdag na aircraft ang National Task Force on West Philippine Sea para magpatrolya sa karagatang sakop ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Leopoldo Laroya na kailangan nilang panatilihin ang 24/7 na pagpapatrolya sa karagatan bilang bahagi sila ng National Task Force on West Philippine Sea.
Maliban pa aniya ito sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na nakaposte sa lugar.
Ayon kay Laroya, ang mga barkong ito ang umaasiste sa mga mangingisdang Pilipino na pumapalaot sa bahagi ng West Philippine Sea na binu-bully ng Chinese Coast Guard.
Kasunod nito, nagpapasalamat si Admiral Laroya dahil umaani ng suporta ang Pilipinas mula sa iba’t-ibang bansa para palakasin ang claims natin sa West Philippine Sea.
Una nang tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginagawa nito ang lahat ng kanyang makakaya upang protektahan ang soberanya ng bansa sa nasabing karagatan.