Magsisimula na bukas, August 8, 2021 ang 24-hour COVID-19 vaccination service sa lungsod ng Maynila.
Kasabay nito, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na maraming pagbabago sa proseso ng bakunahan ngayon matapos ang pagdagsa ng mga tao sa vaccination sites noong Huwebes.
Ayon kay Moreno, susundin nila ang bagong guidelines ng Department of Health (DOH) sa bakunahan lalo na ngayong nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.
Kabilang dito ang pagbabawal muna ng walk-in sa Maynila at kailangan registered sa website at dapat may schedule na.
Ang barangay rin aniya ang magbibigay ng slot number sa mga residente na gustong magpabakuna kung saan nakasaad sa slot number ang schedule at kung saang vaccination site pupunta.
Hindi rin aniya pwede lumipat ng ibang vaccination site ang mga residente at ang mga piling vaccination site ay pawang mga paaralan at wala munang bakunahan sa mga mall.
Sinabi ni Moreno na mas masalimuot at mahigpit ang bakunahan dahil na rin sa banta ng Delta variant.