Aabot sa 25 crew ng RoRo vessel na may biyaheng Batangas-Caticlan ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Joselito Sinocruz, Port Manager ng Batangas, pagmamay-ari at pinatatakbo ang barko ng isang travel agency.
Noong una dalawa lamang ang nagpositbo sa COVID-19 kaya isinailalim ang lahat ng crew sa antigen at RT-PCR kaya umakyat na ito sa 25.
Sa pagpupulong naman ng Provincial Inter-Agency Task Force, idinetalye ni Dra. Rosvilinda Ozaeta, Provincial Health Officer, ang mga pangyayari kung saan bago aniya bumiyahe ang barko papuntang Caticlan noong August 1, may 2 crew itong pinababa sa Batangas City para magpagamot dahil nakararanas ng sintomas ng COVID-19.
Pagkatapos nito, nakabiyahe pa papuntang Caticlan ang barko at nakapaghatid ng mga pasahero, hanggang makatanggap ng impormasyon mula sa Batangas na positibo ang 2 crew sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, nasa loob ng barko ang mga nag-positibo sa virus at naka-isolate, habang nakadaong naman ang barko sa Batangas Bay na sakop ng bayan ng Bauan.
Nakatakda namang sumalang sa RT-PCR test ang iba pang crew sa loob ng 10 araw para malaman kung mayroong hawaan.