*Cauayan City, Isabela*- Nilinaw ni City Mayor Bernard Dy na ang pagbibigay ng 25 kilos ng bigas sa mga empleyado ng Local Government Unit ay bahagi ng mandato ni Isabela Governor Rodito Albano III.
Ito ay makaraang umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen dahil sa kanilang natatanggap na 2 kilo ng bigas kumpara sa mga natanggap ng mga empleyado.
Ayon kay Mayor Dy, ito ay taunang ginagawa ng mga LGUs sa buong Probinsya para tulungan ang mga empleyado sa simpleng paraan ng pagbibigay ng bigas at ito ay may nakalaang pondo.
Giit pa ni Dy, nataon lang aniya na naibigay ang nasabing rice subsidy sa mga empleyado ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine dahil sa banta ng COVID-19.
Binigyang-diin pa ng opisyal na walang kinalaman ito sa relief goods na una ng naipapamahagi sa mga residente sa lungsod.
Samantala, inaasahang magbibigay ng 25 kilos na bigas ang LGU sa bawat pamilya sa lungsod sa susunod na linggo.