Cauayan City, Isabela- Inirerekomenda ng Department of Health (DOH) region 2 ang pagsasagawa ng aggressive community testing sa mga areas of special concern.
Ito ay dahil sa pagtaas ng bilang ng mga indibidwal na nahawaan ng COVID-19 variants of concern.
Ayon kay Dr. Ma. Angelica Taloma, focal person ng COVID-19, isinasapinal na nila ang mga guidelines na siyang gagamitin ng local government units upang masigurong ligtas ang pagsasagawa ng mass testing sa komunidad na kabilang sa high-risk classification.
Dagdag pa niya, natukoy na nila ang areas of concern sa rehiyon base sa bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19, kabilang sa epidemic risk classification, health care utilization at mga lugar na nakapagtala ng variants of concern.
Giit pa niya, ipaprayoridad ang mga clusters with high-risk or transmission, mga indibidwal na may mataas na exposure, mga vulnerable patients at mga sektor na may malaking epekto sa ekonomiya.
Kaugnay nito, mula sa 29 na bayan at siyudad sa Cagayan, 15 ang idineklarang areas of special concern na kailangang maprayoridad sa gagawing mass testing na kinabibilangan ng Tuguegarao City, Ballesteros, Solana, Baggao, Iguig, Alcala, Gonzaga, Allacapan, Lasam, Buguey, Aparri, Lallo, Pamplona, Amulung at Abulug.
Maliban dito, kasama rin sa listahan ang mga bayan ng Luna, Tumauini, Cabagan, Roxas, City of Ilagan, Cauayan City at Santiago City sa lalawigan ng Isabela.
Mula naman sa 15 bayan sa Nueva Vizcaya, tatlo ang nakasama sa listahan na kinabibilangan ng Bayombong, Solano at Bambang.
Wala namang naisama sa listahan ng areas of special concern sa mga lalawigan ng Batanes at Quirino.