25 paaralan, makikinabang sa Adopt a School Program ng GSIS

Inihayag ng Government Service Insurance System (GSIS) na 25 paaralan ang makikinabang sa Adopt a School Program bilang bahagi ng corporate social responsibility nito.

Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, naglaan sila ng ₱10 milyon para i-adopt ang 25 eskwelahan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Itinaas aniya ang assistance package sa ₱400,000 ngayong taon mula sa ₱300,000 noong 2021 para sa bawat beneficiary school.


Kabilang sa ipagkakaloob ng GSIS ay ang suporta sa teknolohiya at learning devices, imprastraktura, pasilidad at furniture.

Ipinaliwanag ni Veloso na kailangan ng tulong ng gobyerno sa pagresolba sa mga problemang kinahaharap ng mga pampublikong paaralan kasabay ng nakatakdang pagbubukas ng face-to-face classes.

Dagdag pa ng opisyal, ang CSR program ng GSIS ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong unang State of the Nation Address (SONA) na magkaloob ng assistive devices gaya ng computer, internet connectivity at educational tools sa mga bata.

Facebook Comments