CAUAYAN CITY- Nakauwi na kani-kanilang tahanan ang mga inilikas na residente sa mga evacuation centers sa Reina Mercedes, Isabela.
Sa panayam ng IFM News Team kay Municipal Health Officer Paul Anthony Respicio, matapos matanggap ng mga evacuees ang mga relief goods ay nagsimula na ring magsiuwian ang mga ito sa kani-kanilang mga tahanan.
Aniya, nasa dalawampu’t limang pamilya ang inilikas na binubuo ng siyamnapu’t anim na indibidwal mula sa apat na barangay.
Aniya, bagama’t hindi naabot ng tubig baha ang kanilang mga tahanan ay nagsagawa ng pre-emptive evacuation ang mga ito upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Nakapagtala naman ng tatlong morbidity ang kanilang hanay ngunit agad naman itong naagapan at nabigyan ng atensyong medikal.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang monitoring at pag-iikot ang iba’t-ibang sangay ng gobyerno sa mga apektadong barangay sa Reina Mercedes.