25 percent rice tariff, pabor pa rin sa negosyante at hindi sa mga magsasaka —FFF

Naniniwala ang isang farmers group na mas mainam na ibalik ang dating 35 percent na taripa sa inaangkat na bigas.

Iginiit ni Federation of Free Farmers (FFF) Chairman Leonardo Montemayor na pabor pa rin umano sa mga negosyante ang isinusulong ng Department of Agriculture (DA) na 25 percent rice tariff mula sa kasalukuyang 15 percent.

Ayon kasi sa DA, gradual dapat ang pagtaas ng rice tariff upang maiwasan ang price shock kung biglang ibabalik ito sa 35%.

Ayon kay Montemayor, masyadong maliit ang 25 percent at hindi iindahin ng mga rice importer dahil malaki pa rin ang margin ng kanilang tubo.

Paliwanag naman ni Montemayor, kahit sa 25 percent tariff, sobrang tubo pa rin ang makukuha ng mga rice importers dahil halos patuloy ang pagbaba ng international price ng imported rice na halos kalahati na ng presyuhan noong 2024.

Kahit aniya itaas pa sa 25 percent ang rice tariff, tutubo pa rin ng trese pesos kada kilo ang mga negosyante habang patuloy na binabarat ang aning palay ng mga lokal na magsasaka.

Naniniwala naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na dapat limitahan na angang rice importation at sa halip ay itaas sa P60-B ang budget para sa palay procurement upang gawing patas at mapagkumpitensya ang mga lokal na magsasaka.

Facebook Comments