25 RESIDENTE NG GAMU, ISABELA, SUMAILALIM SA LIBRENG MASONRY TRAINING

Cauayan City – Sumailalim ang 25 residente mula sa Barangay Mabini, Gamu, Isabela sa libreng Training for Work Scholarship Program (TWSP) para sa Masonry NC II na pinangunahan ng Isabela Provincial Training Center.

Ang programang ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Region II.

Layunin ng pagsasanay na bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga kalahok sa larangan ng masonry o paggawa ng mga istruktura tulad ng pader, haligi, at iba pang bahagi ng gusali.


Ayon sa TESDA Region II, ang ganitong uri ng programa ay bahagi ng kanilang adbokasiya na palakasin ang mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng dekalidad na edukasyon at pagsasanay.

Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga residente na makapagtrabaho hindi lamang sa lokal na industriya kundi pati na rin sa mga proyektong pang-internasyonal.

Ayon sa ilan, malaking tulong ang pagsasanay upang mapaunlad ang kanilang mga kakayahan at maibigay ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya.

Nagpapasalamat naman ang mga kalahok sa pagkakataong ibinigay sa kanila.

Facebook Comments