Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., at Special Assistant to the President Secretary Antonio Ernesto F. Lagdameo Jr., ang send-off Ceremony para sa 25 tauhan ng PNP na dineploy sa United Nations Mission sa South Sudan.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Gen. Acorda ang kahalagahan ng commitment ng PNP sa international peace-keeping efforts sa pagtataguyod ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad.
Ayon kay Acorda, tiwala siya na ibabandera ng 25 pulis ang watawat ng Pilipinas nang may karangalan at integridad sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Sinabi naman ni Sec. Lagdameo na malaki ang tiwala ng bansa sa 25 pulis sa pagganap ng kanilang mahalagang misyon.
Ang PNP ay may mahabang tradisyon ng pakikilahok sa UN peace-keeping missions kung saan ibinubuwis ng mga ito ang kanilang buhay para protektahan ang mga vulnerable communities at itaguyod ang prinsipyo ng UN.