250 INDIBIDWAL SA BARANGAY DISTRICT 3, CAUAYAN CITY, APEKTADO PA RIN NG BAHA

Tinatayang nasa 250 na indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha dulot ng Bagyong Paeng sa barangay District 3 dito sa Lungsod ng Cauayan.

Sa ating panayam kay Punong Barangay Melchor Meris, nahatiran na aniya ang mga ito ng relief packs mula sa CSWD Cauayan bukod pa sa mga tulong at pagkain na ibinigay ng mga private organizations.

Sinabi ng Kapitan na tanging ang mga pamilyang nabaha lamang ang binibigyan ng relief packs.

Kung sakali naman aniya na mayroong hindi nakasali sa listahan ay maaari pa rin silang magpalista para sa karagdagang ipamimigay na food packs.

Kaugnay nito, nilinaw ni Barangay Captain Meris na bukas ang kanilang health center at Community Center para sa mga evacuees subalit mas pinipili raw ng mga apektado na maglatag na lamang ng kanilang temporary tent at matulog sa gilid ng daan para mabantayan ang kanilang mga nailikas na gamit.

Ayon pa kay Kap Meris, namigay na lamang tolda ang kanyang barangay para masilungan ng mga pamilyang apektado.

Humihingi naman ito ng tulong at suporta sa mga nais magbigay ng donasyon para sa mga nabahang Cauayeño.

Samantala, pansamantala munang pinaputol ang linya ng kuryente sa Purok 6 at 7 ng barangay District 3 para maiwasan ang anumang disgrasya o peligro na maaaring maidulot pa nito.

Ibabalik lamang ang supply ng kuryente kapag bumaba na ang lebel ng tubig-baha sa lugar.

Facebook Comments