Aabot sa higit 2,500 panukalang batas ang inihain sa Kamara mula sa unang araw ng 18th Congress sa July 1.
Kabilang dito ang mga nasa legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dalawang panukala ang inihain sa Mababang Kapulungan para sa death penalty, ang House Bill 368 ni Tarlac Representative Victor Yap at House Bill 1588 ni House Minority Leader Benny Abante.
Sina Camiguin Representative Xavier Jesus Romualdo, Albay Representative Joey Salceda at Majority Leader Martin Romualdez ay naghain ng kani-kanilang panukala para sa Department of Disaster Resilience.
Ang panukalang magtatatag ng Department of Water Resources ay inihain ni Quezon City Representative Alfred Vargas.
Panukalang Natonal Land Use and Management Policy ang isinusulong naman ni Quezon City Representative Kit Belmonte.
Si House Speaker Alan Peter Cayetano at Makabayan bloc ay naghain ng panukalang bubuo ng Coconut Levy Trust Fund.
Dalawang house bills naman ang inihain para sa pagpasa ng ikalawang package ng tax reform program ng gobyerno o TRABAHO Bill.
Ang panukalang batas naman na tutugon sa trapiko sa Metro Manila o Metro Manila Traffic Crisis Act ay inihain ni Pampanga Representative Mikey Arroyo.
Una nang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na plano ng Palasyo na i-convene ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) para plantsahin ang listahan ng priority measures para sa huling tatlong taon ng administrasyon.