2,500 trabaho sa pamahalaan, alok sa virtual job fair ng CSC

Aabot sa 2,500 trabaho sa pamahalaan ang alok sa Government Online Career Fair (GOCF) ng Civil Service Commission (CSC).

Ang GOCF ay magsisimula ngayong araw, September 14 hanggang 18 at isa sa magiging aktibidad para sa 120th Philippine Civil Service Anniversary (PCSA) katuwang ang JobStreet.com.

Ayon sa CSC, layunin ng virtual job fair na mailapit sa mga jobseekers ang mga oportunidad sa public sector.


Makatutulong din ito sa mga Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa datos ng CSC, nasa 2,452 vacancies mula sa 249 national government agencies (kabilang ang central at regional offices), Local Government Unit (LGU), Government Owned and Controlled Operations (GOCC) at state universities and colleges.

Paalala ng CSC sa mga naghahanap ng trabaho na maaaring makita sa www.csc.gov.ph/career ang mga alok na trabaho.

Nasa 7,555 positions ang naka-post sa CSC website na bukas pa rin para sa applications.

Para makasali sa virtual job fair, kailangang pumunta ang jobseekers sa https://onlinejobfair.jobstreet.com.ph at ilagay ang kanilang email address at i-fill out ang CSC Form no. 100 o Personal Data Sheet (PDS) na awtomatikong ilalagay sa account pagkatapos itong gawin.

Kapag nakarehistro na, maaaring makita ng mga aplikante ang job postings simula ngayong araw.

Tumatanggap din sila ng applications mula sa mga Persons with Disabilities (PWDs), miyembro ng indigenous communities at anuan ang sexual orientation at gender identity.

Facebook Comments