Ikinabahala ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang muling pagtaas sa presyo ng bigas.
Tinukoy ni Brosas na base sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang rice inflation ay pumalo sa 4.2 percent nitong July 2023 na pinakamataas simula noong Pebrero.
Ayon kay Brosas, nito lamang nakaraang linggo, mula sa P34 per kilo ay umakyat na sa P60 kada kilo ang presyo ng bigas kumpara sa P38 to P50 per kilo noong nakaraang taon.
Bunsod nito ay hiniling ni Brosas na mabigyan ng P25,000 na production subsidy ang mga magsasaka sa harap ng tumataas na presyo ng agricultural inputs.
Binigyang-diin ni Brosas na ang pagtulong para sa kabuhayan ng mga magsasaka ay paraan para maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng bigas.
Kasabay nito ay umapela rin si Brosas sa mga kasamahang mambabatas na ipasa ang inihain ng Makabayan Bloc na House Bill 405 o panukalang Rice Industry Development Act na nagsusulong ng reporma sa rice industry.