256 PDL SA PANGASINAN PROVINCIAL JAIL, NADALAW NG MGA KAANAK SA PRISON AWARENESS MONTH

Binigyan ng pagkakataon ang 256 Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Pangasinan Provincial Jail na madalaw ng kanilang mga kaanak sa isinagawang “Open Dalaw” bilang bahagi ng Prison Awareness Month 2025.

Idinaos ang aktibidad kahapon, Oktubre 26, kung saan tinatayang 623 bisita ang dumalo upang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Karaniwan ay may visitation schedule lamang mula Lunes hanggang Biyernes, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, ngunit binuksan ng himpilan ang dalaw kahapon, araw ng Linggo, bilang espesyal na pagkakataon para sa mga PDL.

Mahigpit pa ring ipinatupad ng Provincial Jail ang mga patakaran sa seguridad tulad ng screening at pagkumpiska ng mga ipinagbabawal na gamit.

Layunin ng naturang programa na suportahan ang emosyonal na kalagayan at rehabilitasyon ng mga PDL sa pamamagitan ng pagpapatibay ng ugnayan sa kanilang pamilya at mga tagasuporta.

Facebook Comments