
Nadakip ng mga operatiba ng Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 26 katao dahil sa iba’t ibang paglabag sa cybercrime law sa isinagawang operasyon mula Aug. 3-9, 2025.
Ayon kay ACG Director PBGen. Bernard Yang, 18 sa mga suspek ay nahuli sa entrapment operations, habang walo naman ay mga wanted person na naaresto sa magkakahiwalay na anti-cybercrime operations.
Isa ring biktima ang nasagip at isang menor de edad na sangkot sa krimen ang nasa kustodiya ng mga awtoridad.
Dagdag ni Yang, dalawang suspek na may kinalaman sa cybercrime ang nahatulan na ng korte.
Sa kabuuan ng isang linggong operasyon, nakapagsilbi ang PNP-ACG ng 22 cyber warrants, nakapaghain ng 34 kaso, at nagsagawa ng 15 inquest proceedings.
Nagsagawa rin sila ng 357 cyber patrols at 18 digital forensic examinations.









