26 na indibidwal, patay sa One Time Big Time operation sa Maynila sa loob ng 24 oras

Manila, Philippines – Sa 40 operasyong ikinasa ng iba’t ibang istasyon ng Manila Police District mula 7am kahapon hanggang 7 kaninang umaga, umabot sa 25 ang napatay na sangkot sa iligal na droga habang ang isa naman ay may kasong murder.

Nanlaban umano ang mga ito sa magkakahiwalay na operasyon sa Pandacan, Tondo, Sampaloc, Sta. Ana, Ermita, Sta. Cruz at Sta. Mesa.

Kabilang sa mga napatay matapos umanong manlaban sa mga otoridad ay ang 5 lalaki sa Antipolo St. malapit sa PNR sa Sta. Cruz, Maynila.


Ayon kay MPD Dir. Joel Coronel, dumaan sa matinding beripikasyon ang mga suspek bago nila ikinasa ang operasyon.

Iginiit ni Coronel na nanlalaban ang mga napapatay sa mga police operation at sa katunayan aniya, noong nakaraang linggo ay 2 pulis Maynila ang napuruhan, kaya’t hindi aniya totoo na basta-basta na lamang binabaril ang mga ito.

Ayon kay Coronel, batid nila na tila hindi pa rin natatakot ang mga tulak at gumagamit ng iligal na droga kaya aniya, pinaiigting pa nila ang kampaniya kontra dito.

Sa nasabing One Time Big Time Operation, nasa 48 naman ang naaresto, na karamihan dito ay lumabag sa city ordinance.

Facebook Comments