Cauayan City, Isabela- Sasailalim sa labinlimang (15) araw na pagsasanay ang nasa 27 na mga indibidwal sa ilalim ng proyektong TESDA Alay ay Liwanag at Asenso Gamit ang enerhiya ng Araw (TALAGA) na inlunsad sa Barangay Minanga, Rizal, Cagayan noong ika-13 ng Enero taong 2021.
Ito’y pinangunahan ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA katuwang ang 501st Infantry Brigade, 5th Infantry Division, Philippine Army at iba pang mga miyembro ng PRLEC.
Layon nito na mabigyan ng kaalaman ang mga benepisyaryo sa paggawa ng Solar Panel na magbibigay ng elektrisidad at liwanag sa naturang barangay at mabigyan din sila ng pangkabuhayan sa pamamagitan ng Photovoltaic (PV) Systems Installation.
Binigyang diin naman ni Josephine Cabrera ng TESDA ang kahalagahan ng naturang pagsasanay dahil makatutulong ito sa pagbibigay ng liwanag sa mga tahanan ganundin bilang hanap-buhay ng mga residente.
Nangako naman si Col. Steve D Crespillo INF (GSC) PA, Commander ng 501st Infantry Brigade na hindi pababayaan ng kasundaluhan ang kanilang lugar na ayon sa mga residente sa lugar ay matagal na silang inaabuso ng mga rebeldeng grupo.
Samantala, sinabi naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army na patuloy na makikiisa at makikipagtulungan ang Startroopers sa pagpapa-abot ng mga programa at proyekto ng pamahalaan katuwang ang mga miyembro ng PRLEC para sa pag-asa at magandang kinabukasan ng mamamayan.