Tinatayang aabot sa 27 million doses ng COVID-19 vaccines na hawak ng gobyerno ang malapit nang ma-expire.
Ayon kay dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo 1st District Representative Janette Garin, hindi pa kasama rito ang mapapaso na rin na 4.5 million doses na binili ng mga pribadong kompanya.
Kaugnay nito, muling kinalampag ni Garin ang pamahalaan na simulan na ang pagbibigay ng second booster shots sa general population kaysa masayang na naman ang mga bakuna.
Pinuna rin niya ang aniya’y kawalan ng ‘sense of urgency’ ng mga nagdedesisyon hinggil sa COVID-19 vaccination ng bansa.
“Para bang everytime merong desisyon na kailangang gawin, walang sense of urgency. Kailangan pa munang mag-ingay para malaman ng taumbayan… there’s no transparency kasi kung titingnan mo, ang hindi na nila sinasabi na ang daming bakunang nag-e-expire at nasasayang,” ani Garin sa interview ng DZXL 588 RMN Manila.
“Naalala niyo dati, kung hindi maubos yung mga healthcare workers, hindi pupunta sa senior. Nung nagsimula naman sa senior, ayaw namang pumunta sa A3 o yung may comorbidities, ubusin muna lahat ng senior. Ang nangyayari d’yan, parang pipilitin mo muna yung iba, at naghihintay yung iba. So that’s detrimental to our economy and even to public health. Kasi kung ayaw, hindi mo mapilit yan e. pero itong may gusto, bigyan mo. Lalo na itong mga LGUs na sila ang bumili ng bakuna, at itong mga private sector na hirap na hirap na nga sa taon ng pandemya,” aniya pa.
Dagdag pa ni Garin, mahalagang mabigyan ang publiko ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19 lalo na sa mga subvariants ng Omicron na lubhang mabilis kumalat gaya ng tigdas.
Sa ngayon, tanging ang mga health worker, senior citizens at mga immunocompromised pa lamang ang maaaring maturukan ng second booster shots.