27 MAINGAY NA MUFFLER NG MOTORSIKLO, NASAMSAM SA DAGUPAN

Nasamsam ng Dagupan City Police Office ang kabuuang 27 ilegal at maingay na muffler sa isinagawang sunod-sunod na anti-noisy muffler operations sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Isinagawa ang mga operasyon sa pamamagitan ng mobile patrols at checkpoint inspections, kung saan pinahinto at sinuri ang mga motorsiklong may modified at labis na maingay na tambutso, alinsunod sa umiiral na Anti-Noisy Muffler Ordinance ng Dagupan City.

Batay sa tala ng pulisya, 13 muffler ang nakumpiska mula Disyembre 27 hanggang 30, 2025, habang 14 naman ang nasamsam noong Disyembre 31, 2025.

Mula Enero 1, 2026 hanggang sa kasalukuyan, wala pang naitalang karagdagang kumpiskasyon.

Matatandaang ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ang ordinansang nagbabawal sa paggamit ng maingay na muffler noong Agosto 18, 2025.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng DCPO ang mga nakumpiskang muffler para sa nararapat na disposisyon.

Tiniyak naman ng pulisya na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng ordinansa upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lungsod.

Facebook Comments