Nasa floating status na ngayon ang 27 mga tauhan ng FEO o Firearms and Explosives Office at Supervisory Office for Security and Investigation o SOSIA at PNP Civil Security Group matapos na sibakin sa kanilang pwesto.
Sinibak sila mismo ni PNP Civil Security Group Director Maj Gen Roberto Fajardo dahil sa nasasangkot umano sa korapsyon o itong piso piso click operation o panghihingi ng padulas para pabilisin ang proseso ng pagkuha ng mga permit gayundin ng lisensya.
Kabilang sa mga sinibak sina P/LtC. Noli Asuncion, P/LtC. Lorenzo Cobre at P/LtC. Omer Cuadro ng FEO gayundin sina P/LtC. Ali Jose Duterte at P/LtC. Antonio Bilon ng SOSIA gayundin ang mga Section Chiefs ng mga unit na ito.
Binigyang diin ni Fajardo na nais niyang tuldukan ang tinatawag na Piso Click Transaction kaya pinagsisibak ang mga opisyal.
Ibinulgar pa ni Fajardo na, marami rin sa mga tauhan ng SOSIA ang hindi pumapasok dahil rumaraket bilang Consultant sa iba’t ibang mga Security Agencies.
Sa huli, nagbigay ng ultimatum si Fajardo sa mga nabanggit na unit na ayusin ang kanilang hanay sa loob ng tatlong buwan bago siya muling magpatupad ng panibagong balasahan.