Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 27 na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa mga kasundaluhan sa Lalawigan ng Cagayan.
Mula sa 27 na nagbalik-loob sa pamahalaan, 21 lamang sa mga ito ang personal na nakadalo sa aktibidad ng kasundaluhan.
Ang 21 former rebels ay iprinisenta ng hanay ng kasundaluhan sa pangunguna ng 501st Infantry Brigade sa harap ng media kasama ang iba’t ibang uri ng baril na isinuko ng mga dating rebelde sa Sub-capitol sa Bangag, Lal-lo.
Nagmula sa iba’t-ibang bayan ang mga sumukong NPA kung saan siyam (9) ang sumuko sa hanay ng 17th IB na kinabibilangan ng tig-apat (4) na rebel returnees mula sa Sto. Niño at Rizal at isa (1) mula naman sa Conner, Apayao.
Mayroon ding 11 na former rebels na sumuko sa 77th IB, kung saan ang anim ay mula sa bayan ng Sto. Niño, tatlo (3) ang mula sa bayan ng Baggao, tig-isa (1) sa bayan ng Gattaran at Sta. Teresita.
May isa (1) namang sumuko sa hanay ng Marine Battalion Landing Team (MBLT10).
Nangako naman si Cagayan Governor Manuel Mamba na susuportahan nito ang mga bagong sumuko sa pamamagitan ng pagbibigay trabaho na naaayon sa mga ito.