Iniimbestigahan na ng awtoridad sa Botswana ang pagkamatay ng mataas na bilang ng mga elepante sa sikat na lugar na Okavango Delta sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Naiulat na 275 na elepante sa lugar ang namatay sa loob lang ng isang buwan–154 dito ay naitala nito lamang nagdaang dalawang linggo.
Sa ulat ng Associated Press, nagpadala na ng mga tao at naglunsad din ng aircraft ang Department of Wildlife and National Parks upang unawain ang misteryosong pangyayari.
Batay sa samples na ipinadala sa mga laboratoryo sa South Africa, Zimbabwe at Canada, hindi anthrax ang sanhi ng pagkamatay ng mga hayop.
Isinantabi rin ang anggulo ng poaching dahil hindi naman nagalaw ang labi ng mga elepante.
Gayunpaman, pinaalalahanan pa rin ng awtoridad ang local na komunidad na huwag panguhain ang mga tusk ng namatay na hayop.
Ayon naman sa conservation group na Elephants Without Borders (EWB) sa ulat ng Reuters, napag-alaman sa aerial surveys na walang partikular na edad ang mga naapektuhang hayop.
“Several live elephants that we observed appeared to be weak, lethargic and emaciated. Some elephants appeared disorientated, had difficulty walking, showed signs of partial paralysis or a limp,” anang grupo.
“One elephant was observed walking in circles, unable to change direction although being encouraged by other herd members,” dagdag nito.
Sa buong munod, Botswana ang may pinakamalaking populasyon ng elepante na may naitalang 156,000 noong 2013.