
Pinulong ng Department of Transportation (DOTr) ang 28 kompanyang ng bus kasunod ng aksidente kahapon sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na ikinasawi ng 10 katao at ikinasugat ng mahigit 30.
Sa pagpupulong ni Transportation Sec. Vince Dizon, tinalakay ang isyu ng kaligtasan sa kalsada at pagbuwag sa illegal na bus terminals.
Binigyang-diin din ng kalihim ang kahalagahan ng maayos na kundisyon ng mga bus at kalusugan ng mga driver bago bumiyahe upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Sa nangyaring karambola kahapon ng tanghali sa bahagi ng Tarlac SCTEX Exit Toll Plaza, sangkot ang tatlong SUV, isang truck, at pampasahero bus na sinasabing nawalan ng preno.
Una rito ay sinuspinde na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 15 unit ng Solid North Bus kasunod ng malagim na aksidente.









