Sumampa na sa 28 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Ursula.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal – pinakamaraming namatay ay nasa Iloilo na nasa 13, apat naman sa Capiz, tatlo sa Eastern Samar, dalawa sa Aklan, dalawa sa Leyte, habang tig-isa sa probinsya ng Biliran, Cebu, Southern Leyte.
Maliban sa mga namatay, nasa dalawang indibidwal ang sugatan habang nasa 12 ang naiulat na nawawala sa Western Visayas at Eastern Visayas.
Aabot naman sa 12,139 na pamilya ang naapektuhan ng bagyo mula sa 340 na barangay sa Bicol Region, Western, Central, at Eastern Visayas, at Caraga.
Nasa 10,905 na pamilya ang nasa 90 evacuation centers.
Nasa 2,000 bahay ang napinsala ng bagyo, habang 55 na eskwelahan ang nasira.
Umakyat sa 115 siyudad at munisipalidad ang nakaranas ng power outage sa Region 6 at 7.
Nasa 244 pasahero, 27 rolling cargoes, at isang vessel ang nananatiling stranded sa iba’t-ibang pantalan.
Isinailalim naman sa state of calamity ang Leyte, Eastern Samar, San Jose, Occidental Mindoro, at Kalibo, Aklan.