Kasalukuyang ginagamit ngayon bilang quarantine facilities ang 28 State Universities and Colleges (SUCs).
Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera, magmula Hunyo ay nagsisilbi na ang mga ito bilang isolation facilities sa halos 20,000 Locally Stranded Individuals (LSIs), asymptomatic patients, at suspected COVID-19 cases.
Sinabi pa ni De Vera na magtutuloy-tuloy ang paggamit sa mga SUCs hanggat kailangan ng Local Government Units (LGUs) ang kanilang mga pasilidad.
Pumayag aniya sila dahil wala namang face- to- face classes na magaganap ngayong taon.
Kasunod nito, tiniyak ni De Vera na ligtas ang skeleton workforce ng mga SUC na pansamantalang ginawang quarantine facilities, ito’y dahil hindi naman kabuuan ng campus ang kinonvert bilang isolation facility bagkus iilang parte lamang at mahigpit na ipinatutupad dito ang minimum health standards.
Samantala, iniulat din nito na 731 mula sa 2,400 higher education institutions ang nag-umpisa na ng klase ngayong buwan.
Aniya, nagpapatupad ngayon ang CHED ng rolling opening of classes kung saan naka-depende sa mga kolehiyo at unibersidad ang pag-uumpisa ng kanilang klase base sa kahandaan na ipatupad ang blended learning.