
Nakapagtala ang Department of Health – Ilocos Region (DOH-1) ng 280 kaso ng pagkalunod sa rehiyon mula 2022 hanggang 2025.
Ito ang naging dahilan upang ilunsad ang pagbuo ng isang Regional Strategic Drowning Prevention Plan (2025–2030) na layuning maiwasan pa ang mga ganitong trahedya.
Batay sa tala ng Department of the Interior and Local Government (DILG), pinakamaraming naitalang biktima ay mga nasa edad 25 hanggang 59 na may 114 kaso, sinundan ng mga bata (0–14 taong gulang) na may 73 kaso, at mga kabataan (15–24 taong gulang) na may 59 kaso.
Sa mga lalawigan, nanguna ang Pangasinan na may 52% ng kabuuang bilang ng insidente, kasunod ang La Union (23%), Ilocos Norte (14%), at Ilocos Sur (11%).
Lumalabas din sa datos na 81.1% ng mga pagkalunod ay aksidente, habang 16.1% ay may kaugnayan sa pag-inom ng alak.
Katuwang ang iba’t-ibang ahensya, magiging gabay ang plano sa mga lokal na pamahalaan sa pagbuo ng mga patakaran at hakbang sa prebensyon, agarang pagtugon, pagbabantay, at pagsasagawa ng mga kampanya sa kaligtasan upang maprotektahan ang mga mamamayan laban sa panganib ng pagkalunod.








