BIRMINGHAM, England – Labis ang pangungulila ng pamilya ng isang babaeng nasawi ilang araw matapos magsilang ng sanggol.
Binawian ng buhay sa Heartlands Hospital si Fozia Hanif, 29, noong Abril 8 dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nagdadalantao si Hanif at sa kalagitnaan umano ng kanyang maternity check-up, nakaramdam ito ng ilang sintomas ng virus.
Saad ng kanyang asawang si Wajid Ali sa ITV News, pinayuhan umano sila ng doktor na manatili muna si Hanif sa ospital habang hinihintay ang resulta ng COVID-19 test.
“The test came back positive and the next day they said it was mild and you can go home. After four days, she had difficulty breathing and we called the ambulance,” kwento niya.
Nagsilang ng anak na lalaki si Hanif noong Abril 2 sa caesarean section at sa kabutihang-palad ay nag-negatibo ito sa COVID-19.
Dinala pa raw sa recovery ward si Hanif ngunit dito raw mas lumala ang kanyang kondisyon.
Kwento pa ni Ali, nagpasya na silang idala sa intensive care unit (ICU) ang asawa kung saan kinabitan na siya ng ventilator.
Makalipas umano ang ilang araw ay nadiskubre na may namuo ng dugo sa loob ng katawan ni Hanif na kalauna’y nauwi sa coma.
Dahil sa kanyang kalagayan, hindi na umano nagawa pang mahawakan at makita ni Hanif ang anak ngunit mayroon daw itong hawak na larawan ng sanggol na galing sa ospital.
Hawak pa raw niya ito habang ipinapakita sa asawang si Ali at sinabing, “Look it’s our baby and we’re going to come home soon.”
Dagdag niya, ito raw ang huling mga salita na narinig niya mula sa asawa bago ito bawian ng buhay.