Inalis na ng Inter-Agency Committee (IAC) on extra-judicial killings (EJKs) ang 29 na kaso sa kanilang imbestigasyon dahil sa kakulangan ng mga testigo at interes ng mga nagrereklamo na ituloy ito.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, karamihan sa mga naalis na kaso ay nasa Region 4 at 7.
Aniya, ang mga kasong ito ay umabot lamang sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), Commission on Human Rights (CHR), at National Prosecution Service (NPS).
Paliwanag ni Guevarra, ang desisyon na ihinto ang imbestigasyon sa 29 na kaso ay napag-usapan sa pagpupulong ng komite noong Mayo 12.
Sa kabila nito, tiniyak ni Guevarra na patuloy ang imbestigasyon sa mga EJK at pagkawala ng ilang indibidwal gayundin ang pagrepaso sa hindi nalutas na mga kaso ng Administrative Order 35 (AO35) sa ibang mga rehiyon.