29 na pagyanig, naitala sa nakalipas na 24-oras sa Bulkang Bulusan

Umabot sa 29 volcanic earthquakes ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa nakalipas na 24-oras kasunod ng naganap na phreatic eruption kahapon sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Sa inilabas na volcano bulletin ng PHIVOLCS kaninang umaga, nasa 150 meters ang taas ng usok na lumalabas sa Mt. Bulusan.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni PHIVOLCS Dir. Renato Solidum na may indikasyon talaga ng pagsabog sa Bulkan Bulusan ngunit hindi lang nila masabi kung kailan ito magaganap batay sa kanilang monitoring.


Sinabi ni Solidum na wala pa naman silang nakikitang pagtaas ng magma na indikasyon ng mas mapanganib na pagsabog, pero malaki ang posibilidad na masundan pa ang pagsabog kahapon dahil sa hydrothermal activity ng bulkan.

Samantala, itinaas na rin ng PHIVOLCS sa 6 kilometer ang permanent danger zone sa Mt. Bulusan makaraang makitaan ng mga bitak sa pagsabog.

Ngayon ay nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan.

Facebook Comments