Na-rescue ng mga tauhan ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang 29 na POGO workers na biktima umano ng human trafficiking sa Parañaque City.
Ayon kay PMGen. Eliseo Cruz, pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nasagip ang mga ito sa pamamagitan ng timbre ng mga naunang biktima na nailigtas din ng PNP.
23 sa mga nailigtas ay Myanmar nationals at anim naman ay pawang Chinese nationals.
Salaysay ng dalawa sa mga naunang biktima, ni-recruit sila mula Dubai patungong Pilipinas para magtrabaho bilang customer representatives pero pagkadating nila dito sa bansa ay pinagtrabaho sila bilang POGO workers.
Nambibiktima anila sila online kung saan ang mga kliyente ay hinihimok nilang maglaro at mag-invest ng pera.
Ninais umano nilang magbitiw sa trabaho pero kinumpiska ng mga suspek ang kanilang pasaporte at hindi rin pinapasweldo hanggang ibinenta umano sila sa halagang P3 milyon at pagkalipat sa isa pang kompanya, sila umano ay hindi pinakakain, ikinulong, binugbog at pinuwersang magtrabaho tulad ng kaparehong online scam.
Sa ngayon, ang mga biktima ay nasa kustodiya na ng PNP-WCPC at sumasailalim sa medical examination at proper documentation.