Umakyat pa sa 29 ang naitalang nasawi dahil sa pagkalunod ngayong Semana Santa.
Sa datos ng Philippine National Police, may tatlong indibidwal pa rin ngayon ang patuloy na hinahanap.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na kabuuang 56 na Holy Week-related incidents din ang kanilang napaulat kung saan 34 ang may kinalaman sa pagkalunod.
Karamihan sa mga ito ay naiulat sa mga dagat, private resorts at maging sa mga ilog.
Dalawa ring insidente ng muntikang pagkalunod ang naagapan dahil sa presensya ng mga nagbabantay na awtoridad.
Pinakamarami ang drowning incident sa CALABARZON na may 10, sinundan ng Ilocos Region at Cagayan Valley na may tig-anim at lima naman sa Bicol Region.
Labingdalawa sa mga biktima ang bata kung saan pinakabata ang apat na taong gulang at pinakamatanda ang 78 anyos.
Ilan sa nalunod ay mga lasing habang ang mga menor de edad na nasawi ay dahil hindi napansin ng magulang o mga nagbabantay.
Nananatili sa heightened alert ang PNP hanggang bukas, April 1 maliban na lamang kung ipag-utos na palawigin ng regional directors.