Iniharap ni Manila Police District (MPD) Chief Police Brig. Gen. Andre Dizon sa media ang limang pulis-Maynila na sangkot sa robbery-extortion sa isang computer shop sa Sampaloc sa Maynila.
Ayon kay Dizon, gaya ng naunang ulat ay sumuko ang mga nasabing pulis sa tanggapan ni Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC Chairperson Usec. Gilbert Cruz saka iniharap kay Philippine National Police o PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr.
Sa pahayag naman ni Patrolman Jhon Lester Pagar, sila ay boluntaryong sumuko kung saan sasagutin nila ang mga alegasyon laban sa kanila sa korte lalo na’t naisampa na ang kaso.
Sa panig ni Police Staff Sergeant Ryann Paculan, mayroon na silang public statement na “guided” ng abogado pero hindi na nila ito ihahayag lalo’t nakahain naman na ang kasong robbery extortion.
Bukod sa dalawa, hindi naman na nagbigay ng pahayag sina Corporal Janmark Dabucol, Patrolman Jeremiah Pascual, at Police Staff Sergeant Jan Erwin Isaac pero iginiit na mayroon din umano silang hawak na ebidensya na magpapatunay na wala silang ginawang kasalanan.
Sinabi naman ni Gen. Dizon, nasa ilalim ng “restrictive custody” ng MPD ang mga pulis kung saan isinuko na rin ng mga ito ang kanilang armas.
Dagdag pa ng opisyal, hindi kasama sa mga sumuko ang isang babae na kasama ng 5-pulis kaya’t patuloy itong pinaghahanap.
Matatandaan na nagtago ang 5-pulis matapos na mabuko ang kanilang iligal na operasyon kung saan tinangay nila ang ₱44,000 na pera ng may-ari ng computer shop na si Herminigildo dela Cruz.
Bukod dito, kinuha rin ang ₱3,500 na kita saka inobliga na magbigay ng lingguhang ₱4,000 bilang proteksyon sa kaniyang negosyo.