Bukas na darating ang inisyal na doses ng bakuna kontra African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng DZXL News, sinabi ni Assistant Secretary at Department of Agriculture (DA) Spokesperson Arnel de Mesa na nakapag-book sila ng flight para sa ibibiyaheng mga ASF vaccines na nabili mula Vietnam.
Aniya, bukas ay inaasahang darating ang inisyal na 10,000 doses na ASF vaccines.
Prayoridad na pagdadalhan ng unang darating na vaccine ang lalawigan ng Batangas na may walong bayan ang apektado ng naturang sakit ng baboy.
Tiniyak ni De Mesa na isusunod rin agad na babakunahan ang iba pang lugar na nakapagtala ng infection ng ASF.
Sa susunod na linggo naman sisimulan ang vaccination program sa Batangas.
Batay sa inilatag na guidelines ng Bureau of AnimaI Industry (BAI), walang bayad at boluntaryo ang gagawing anti-ASF vaccination.
Ibig sabihin, hindi pipilitin ang mga magba-baboy na isailalim ang kanilang mga alaga sa bakunahan.
Sa ilalim ng rules of engagement, ituturok lang ang bakuna sa mga baboy na walang sakit.
Hindi rin ito pwedeng iturok sa mga breeder o paanaking inahing baboy.
Kinakailangan ding i-monitor kada 30 to 60 days ang mga babakunahang baboy upang makita kung may mangyayaring reaction ang mga ito.