Bisa ng pasaporte ng mga Marino at OFWs, hiniling na palawigin pa

Isinusulong sa Kamara na palawigin pa ang “validity” o bisa ng mga pasaporte ng mga Filipino seafarer at land-based Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa epekto ng pandemya.

Sa House Resolution No. 2367 na inihain ng Marino Partylist, hinihiling sa Department of Foreign Affairs (DFA) na palawigin pa ng dalawang taon ang bisa ng pasaporte ng mga seafarers at OFWs partikular na iyong mga pasaporte na malapit nang mag-expire o mapaso.

Tinukoy sa resolusyon na mismong ang DFA ang umamin na pumalo sa 4 million ang “backlog” sa passport applications at renewals bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.


Lalong naging problema pa ang limitadong “slots” para sa passport application kaya mas naiipon ang mga hindi pa naipoprosesong pasaporte.

Batay sa tinatawag na “industry practice,” dapat hindi bababa sa 18 buwan ang validity ng pasaporte na hawak ng mga seafarer, bago ang kanilang deployment.

Pero bunsod ng mga pagkaantala sa proseso ng kanilang pasaporte ay maaari itong mauwi sa pagkawala ng trabaho.

Kaya naman para maagapan ito, iginiit sa resolusyon na mainam na paliwigin ng kahit dalawang taon ang validity ng pasaporte ng mga marino at OFWs lalo na ang pa-expire na partikular ang mga nakatakdang i-deploy o mag-trabaho sa abroad sa susunod na 120 araw at ang mga kasalukuyang nasa foreign workplace.

Facebook Comments